SRP opening statement Bill on Mandatory ROTC

Hindi pa man ako Senador ng Republika ay nasa kamalayan na po ng inyong lingkod ang pagnanais na maibalik ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) bilang requirement sa undergraduate degree o diploma programs sa pampubliko at pribadong tertiary-level na paaralan.

Kung kaya naman isa po sa mga pinakaunang panukalang batas na inihain ng inyong lingkod ay ang Senate Bill No. 236 o ang Mandatory Reserve Officers Training Corps Act.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Basic ROTC Program ay magkakaroon ng training sa mga sumusunod:

Una, External and Territorial Defense. Hindi naman po kaila sa atin ang mga kinakaharap na bantang panlabas ng ating bansa bunsod ng tunggalian pagdating sa hangganan ng ating mga karagatan sa Dagat Kanluran ng Pilipinas. Gayundin ang mga tensyong geo-pulitikal na nagaganap sa iba’t-ibang panig ng mundo, na hindi man direkta, ay may mga implikasyong hindi natin maaaring ipagwalang-bahala bilang isang bansa. Naniniwala ako na nararapat lamang na maihanda natin ang ating mga kabataan upang matiyak ang seguridad ng Estado sa oras na hingin nito ng pagkakataon.

Pangalawa, kasanayan sa Internal Security, Peace and Order and Public Safety. Ang inyong lingkod ay buhay na saksi sa napakaraming panloob na banta sa seguridad at kaligtasan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Pagdating sa mga isyu sa law and order, armed conflict, banta ng terorismo at iba pang transnational crimes, kinakailangan natin ang mas maigting na pwersa upang hindi maging balakid ang mga ito sa ating kapayapaan at kaunlaran.

Pangatlo, pagsasanay sa Disaster Risk Reduction and Management. Tulad ng aking nabanggit noon, malaki ang maitutulong ng disiplinado at nagkakaisang paggalaw sa pagtugon sa mga kalamidad na halos naging pangkaraniwan na sa ating bansa. Hangad natin na magkaroon ng organisadong grupo na aalalay sa pamahalaan upang sumagip ng buhay sa panahon ng sakuna.

Panghuli, kasanayan sa Human Rights and Humanitarian Law. Isa po ito sa naiibang sangkap ng panukalang batas na ating inihain dito sa Mataas na Kapulungan. Naniniwala ang inyong lingkod na magiging napakahalagang sangkap po ng Mandatory Reserve Officers Training Corps ang kaalaman sa pagtataguyod ng karapatang pantao kaalinsabay ng pagsasanay para sa ating national defense program.

Nais po nating linawin na exempted sa programa ang mga “physically or mentally unfit to render military service,” ang persons with disability, at mga na-convict sa criminal offenses involving moral turpitude. Aray ko po, meron na akong absolute pardon. Exempted din ang mga may isyu dahil sa pananampalataya, at ang mga dumaan na sa “similar military trainng from a previous undergraduate degree or diploma program.”

Bilang alternatibo sa mga exemptions na ito ay naglagay rin po tayo ng probisyon patungkol sa programa sa Special National Service Training na binubuo ng mga sumusunod: Literacy Training Service Program; Civic Welfare Training Service Program; Emergency Life Support Training Service Program; Search and Rescue Training Program; at ang pinakahuli na ating idinagdag sa ating bersyon, ang Community Service for Drug Rehabilitation.

Bilang pangwakasi, nakasaad sa mismong Saligang Batas ang tungkuling itanim sa mga kabataan ang pagka-makabayan at nasyonalismo, gayundin ang paghikayat sa kanilang pakikilahok sa mga gawaing pampubliko at sibiko.

Dahilan po dito, hangad ko ang isang malaya at produktibong talakayan sa ating pagdinig ngayong umaga.

Maraming salamat po, mahal na tagapangulo.