
Ang pagkaroon ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ay kailangan para makatulong na maging handa ang mamamayang Pilipino para labanan ang anumang tangkang pananakop sa Pilipinas.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Lunes, sa pagdinig ng Senado sa mga panukalang batas na tinatalaga ang ROTC sa mataas na antas ng edukasyon.
“Ito ay ginawa natin, itong ROTC, huwag po sana tayo sumailalim sa kanino mang foreign power. Sana tayo po ay maging independent, hindi tayo utusan ng kahit sinong foreign na bansa, at ginagawa po natin ito sa pagdepensa ng ating independensya, ng ating kalayaan, at higit sa lahat, tayo po ay Pilipino,” ani Padilla matapos magpahayag ng posisyon sa isyu ang grupong kabataan.
Nabanggit ni Padilla noon na kailangan din ang ROTC para tulungan ang kabataan na maging handa sa pagtugon sa sakuna.
Ayon din kay Padilla, hindi maiaalis ang posibilidad na may magtatangkang manakop sa Pilipinas dahil nasa napakahalaga at napaka-strategic na lugar ito sa Asya.
“Hindi natin ito ginagawa para maging militar ang ating kabataan. Ginagawa natin ito para tayo ay magkaroon ng chain of command para alam natin kung saan natin umpisahan at saan natin tatapusin,” dagdag niya.
Video: