Tuloy ang Pagsulong sa Pagreporma sa Economic Provisions ng Saligang Batas

Narinig ko na rin po sa mga nagdaan na Pangulo na hindi ‘prayoridad’ ang pag-amyenda sa Saligang Batas, lalo ang probisyon na makakapagpaunlad ng ekonomiya. Nakakalungkot lamang po na kung walang pag-amyenda sa mga economic provision, tunay na hindi mararamdaman ng mga ordinaryong manggagawa ang pag-unlad, una ng Inang Bayan at pangalawa, ang pag-asenso ng kanilang buhay.

Ang sinasabi nilang pagpasok ng dayuhang mamumuhunan: Hindi pa po nagiging makatotohanan ang sinasabi nilang pagpasok ng dayuhang mamumuhunan, kung kaya, mula noon hanggang ngayon, karamihan po ng mga pledges ng mga foreign investors sa mga foreign trips ng ating mga mahal na Pangulo ay mananatiling pangako lamang.

Inuulit ko po: Sa kahit anong bansa, ang pinakamataas na batas ay ang Saligang Batas. Dahil dito, tuloy ang aking pagpursigi sa pagdinig tungkol sa pag-ayos ng ating Saligang Batas. Ako po ay narito sa Senado para sa ikaaayos ng Inang Bayan at impormasyon para sa mga Pilipino.

Bilang kandidato ng Pangulo sa UniTeam, ako ay nakasuporta sa mga panukala niya para sa Senado. Pero ang sarili kong panukala, pabor man ang mahal na Pangulo o hindi, obligasyon ko sa taongbayan ang isulong ito at marinig sa apat na sulok ng demokrasya ng Senado.

Suportahan man o ibasura man ng mga kapatid natin sa Senado, mahalaga na marinig ng taumbayan ang dahilan kung bakit pigil na pigil ang pag-unlad ng ating Bansa – at kung ano ang kailangang gawin para tugunan ito.