Robin: Palakasin ang Hakbang vs Bullies, Lalo na ang ‘May Kapit’

Kailangan nang palakasin ang mga hakbang para tigilan ang pambu-bully sa mga paaralan – lalo na kung sangkot dito ang mga anak ng mayayaman o may kapangyarihan, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Lunes.

Ani Padilla, hindi epektibo ang kasalukuyang sistema ng pagre-report kung saan ipapaharap ang biktima, ang nam-bully at ang kanilang mga magulang – at pagkatapos nito ay gagantihan ng bully ang biktima dahil nagsumbong ito.

“Ito, sa aking karanasan lang. Madalas ang bullying kasi anak ng mga mayayaman, anak ng pulitiko, e natakot po banggain ng teacher. Kaya siguro po ang akin pong mungkahi amyendahan ng mahal na tagapangulo ang batas na ito, maliwanag natin doon, talagang babanggain natin itong mga ito kasi yan talaga ang bully. Walang bolahan ito, kung sino talaga ang makukulit at mayayabang yan po talaga ang may kapit,” ayon kay Padilla, na nakaranas ng pambu-bully nang nag-aaral pa siya, sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education.

“Siguro ang pinakamainam niyan magkaroon ng proseso na lihim din, huwag ang normal na proseso na ipatatawag at pahaharapin doon, di nakakatulong yan. Sa aking palagay dapat po baguhin ang ganoong klaseng proseso dahil sa katapusan ng araw ang maiiwan uli doon sa paaralan ang estudyante. Ang magulang at principal babalik doon sa opisina niya. Ang magkikita sa corridor, minsan sa CR ang banatan diyan eh, ay silang dalawa lang at ang grupo. Kaya sa akin magkaroon lang ng tamang proseso sa reporting,” dagdag nito.

Ipinunto rin ni Padilla na dapat tutukan ng mga awtoridad ang mental bullying, lalo na’t may mga smartphone at internet access na ang maraming kabataan. Aniya, kung dati ay hanggang asaran at pikon-talo ang bullying, ngayon ay masyado nang personal at “wala nang pahinga” kung online ang bullying.

Ayon din kay Padilla, ang ilang kaso ng “bullying” na walang violent o kriminal na intensyon ay maaari pang maituring na nakakatulong sa social development ng kabataan kung ito ay makatulong sa “Challenges and Survival 101.”

Sa pagsulong ng pagbago ng sistema laban sa bullying, ipinunto ni Padilla na malamang ay kilala ng pamunuan ng mga paaralan kung sino ang mga bully kahit walang pormal na sumbong. “Di naman nalilihim yan,” aniya.

Hindi rin uubra ang pagsumbong dahil tuloy ang mental bullying sa biktima pagkatapos paharapin ang biktima at ang bully, aniya.