
Panahon na para habulin ng kasong kriminal ang mga tiwaling operator ng Small Town Lottery na hindi nag-remit ng tamang kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office at tila biglang naglalaho, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes.
Iginiit ito ni Padilla matapos malaman na higit P5 bilyon ang utang na hindi na kinokolekta ng PCSO sa mga STL operator na na-terminate na ang prangkisa.
“Sa palagay ko, mga mahal kong kasama sa Senado, palagay ko po itong usaping ito, kailangan hindi na maging civil case. Dapat maging criminal case ito,” aniya sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusements.
Hindi natuwa si Padilla matapos malaman sa pagdinig na wala pang nakakasuhan ng kasong kriminal sa mga STL operator na hindi nakapagbayad, at sa halip ay tine-terminate lamang ang prangkisa.
Ayon din kay Padilla, dapat bantayan ng PCSO ang mga “talipandas” at “hunyango” na operator na hindi nagbayad pero maaaring magrehistro uli gamit ang ibang pangalan.
“Dito sa ating bansa maraming hunyango rito,” aniya.
Tugon ni Sen. Raffy Tulfo, maaaring talakayin ang isyu na ito sa susunod na pagdinig. “That is a very good issue you raised,” aniya kay Padilla. “Sa next hearing tatalakayin natin yan saan napunta ang P5 bilyon na yan.”