
Panahon nang gawing prayoridad ng pamahalaan na tulungang gawing negosyante ang magsasaka at mangingisda na patuloy na nalulugmok sa kahirapan, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Huwebes.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ikinalungkot ni Padilla na ang mga nagtatrabaho para sa ating pagkain ang siya pang palaging nasa bingit ng kahirapan.
“Hindi po ba sila pwedeng i-train na ang kanilang raw materials, lagi na lang kasing raw kukunin ng trader, maiiwan ang magsasaka o mangingisda, kikita ang trader. Di po ba tayo makagawa ng paraan na tulad sa ibang bansa, ang magsasaka at mangingisda nila ang may matatawag na magandang buhay?” aniya sa pagdinig kung saan itinalakay ang mga panukalang batas na “Poverty Reduction Through Social Entrepreneurship (PRESENT) Act.”
Tinanong ni Padilla ang mga kinatawan ng ahensyang dumalo sa pagdinig kung paano pwedeng i-organisa ang magsasaka at mangingisda na maging kooperatiba, at tulungang magkaroon ng negosyo. “Kasi nakakaawa ang magsasaka natin, ang anak nila ayaw nilang gawing magsasaka,” aniya.
Nang binanggit ng kinatawan ng Cooperative Development Authority na nakikipagugnayan na sila sa ahensya tulad ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, umapela si Padilla na i-prioritize ang pagtulong sa magsasaka at mangingisda na magnegosyo.
“Kailangan maging businessman na rin ang ating mga magsasaka at mangingisda, kailangan mailagay nila sa sarili na sila ay businessman,” aniya.