
Napakaganda man ng mga batas na ipinasa para mang-akit ng foreign investments, maaari itong sumabit kung hindi maamyendahan agad ang mga nararapat na economic provisions ng Saligang Batas, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Sabado.
Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, maaari pang hindi ituloy ng foreign investor ang pamumuhunan sa Pilipinas kung makita nilang kinukwestyon sa Korte Suprema ang constitutionality ng mga batas na ito.
“Napakaganda ng batas na ginawa nila pero hanggang itong mga batas na ito sumasalubong at sumasalpok sa ating Constitution, lagi itong questionable. Yan ba pwede nating ibenta sa ating mga foreign investor? Papaano natin makumbinsi ang foreign investor kung ang kanilang pera ay mapupunta sa question dahil pong ito ba ay pinapayagan ng Constitution o hindi?” ayon sa mambabatas sa panayam sa DWIZ.
“Ang pagbukas sa foreign direct investment, para magkaroon ng bigat, magkaroon ng tunay na ngipin, ang ginagawa nilang batas patungkol sa ekonomiya. Hanggang hindi natin inaamyendahan ang economic provision ng 1987 Constitution hindi magkakaroon ng liwanag, laging babagsak tayo sa SC, laging magkakaroon ng kababayang kokontra diyan sapagka’t karapatan ng bawat Pilipino ipaglaban kung ano ang sabi ng Constitution,” dagdag niya.
Ihinain ni Padilla ang Resolution of Both Houses No. 3 na hangad baguhin ang economic provisions ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly. Mungkahi ng resolusyon na amyendahan ang ilang probisyon para maengganyo ang foreign direct investments.
Ani Padilla, sa ilalim ng Saligang Batas, maaaring kwestyunin ng sinumang Pilipino ang anumang batas, kung sang-ayon ba ito sa Konstitusyon.
“Hanggang di natin nirerebisa o inaamyendahan ang ating Constitution patungkol sa economic provision, lagi po yan magkakaroon ng tanong katulad ng nangyari nitong huli – meron sana tayong joint exploration kasama ang China at Vietnam ano nangyari diyan, dinesisyunan ng SC na unconstitutional,” aniya.
“Lahat na batas na gagawin nyo na kokontra sa Constitution, walang mangyayari diyan kundi kokontrahin o maupupunta sa mercy ng Supreme Court,” dagdag niya.
Dagdag ni Padilla, bagama’t ang Pilipinas ay sali ng sali sa mga trade agreement, hindi mararamdaman ng mga Pilipino ang kaginhawaan kung walang kasamang investments.
“Magkapatid talaga ang investment at trade. Hindi pupuwedeng puro trade walang investment. Isipin nyo sama tayo ng sama sa trade agreement. Basta trade agreement sumasama tayo diyan. Hindi naman bukas ang ating ekonomiya sa investment, one-way yan. At sumang-ayon naman ang executive sa sinasabi ko, na talagang hindi pwedeng puro trade walang investment, one-way yan,” aniya.
Samantala, balak ni Padilla magkaroon ng isa o dalawang public consultations bago ipresenta ang Committee Report sa plenaryo.