
Bagama’t natutuwa siya sa hakbang na ginagawa nila para amyendahan ang Saligang Batas, muling nakiusap si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga “kakampi” niya sa Kamara nitong Martes na unahin ang pagbago sa mga economic provision.
Ipinunto ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, dapat unahan ang pag-amyenda ng economic provision na tutugon sa pinakamahalagang pangangailangan ng Pilipino.
“Ako po, ayokong ma-misinterpret ako ng Kamara kasi kakampi ko sila. Ako natutuwa talaga, ang kanilang hakbang ay mabilis talaga. Natutuwa ako. Pero ang hiling ko, unahin natin ang economic provision ng Saligang Batas,” aniya sa panayam sa Senado.
Dagdag niya, kung nais tapusin ng Senado ang pagbago ng economic provision ng Saligang Batas, maaaring magawa ito sa loob ng anim na buwan – hindi tulad ng pagsama ng pag-amyenda sa mga political provision nito.
Iginiit ni Padilla na pagbabago ng economic provision lamang ang kailangan para tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino – trabaho, pagkain, at sapat na sweldo.
“Pag pinagusapan natin ang political structure ng bansa, mga mahal kong kababayan, litawan na diyan ang kanya-kanyang interest sa pulitika. Ang haba po niyan,” aniya.
Samantala, handa rin si Padilla na makinig sa mga puntong itatalakay sa pampublikong pagdinig ng kanyang kumite sa Davao City ngayong Huwebes, ika-2 ng Marso. May hinahanda ring pagdinig sa Luzon at Visayas sa mga darating na linggo.
Ani Padilla, kung malinaw na nais din ng taumbayan na talakayin ang political provision ng Saligang Batas o kung handa ang taumbayan para sa constitutional convention sa halip na constituent assembly na pinapaboran niya ngayon, mananatiling bukas ang kanyang isip para rito.
“Pag sinabi halimbawa pag nakunibisi ako ng taumbayan handa ang tao sa concon, e di ia-adopt ko anong sinabi ng Kongreso,” aniya.
Umaasa rin si Padilla na mahahabol ang plebisito para sa pagbago ng economic provision ng Saligang Batas sa barangay at Sangguniang Kabataan election sa Oktubre.