
Ang kalusugan at kabuhayan ng mga jeepney driver ang pinakamahalagang ikonsidera dapat ng gobyerno sa pagpapatupad ng jeepney modernization program.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nang sinuportahan niya ang panukala ni Sen. Grace Poe para ipagpaliban ang pag-phaseout ng traditional jeepney – para hindi mawalan ng kabuhayan ang mga tsuper.
“Ang tanong po, handa na po ba talaga ang ating transport groups? Katunayan po, ang nakalagay dito dapat sila ay in-organize na ng cooperative, magkaroon ng cooperative sa transport. Ang tanong, nagawa po ba yan? E sa amin pong hearing na ginawa ng ating Ginang Sen. Imee Marcos, wala pa pong nagagawa ang pag-oorganisa ng transport group para magkaroon ng cooperative. Kaya tama lang po ang sinasabi ng ating mahal na Ginang Sen. Grace Poe na ipagpaliban muna ito,” aniya sa kanyang manifestation.
Nanawagan din si Padilla sa Cooperative Development Authority (CDA) na tulungan ang mga tsuper para makakuha ng modernong jeepney ang mga transport groups.
Nguni’t ipinunto niya na malaking bagay ang kalusugan ng mga jeepney drivers – kung kaya’t nagpasiya siya noon na gumawa ng patalastas sa jeepney modernization program.
“Kaya sana po sa pamamagitan ng panukalang ito ay makatok po natin ang CDA, Cooperative Development natin sa Pilipinas, para sila po ay umaksyon na at ma-organize na po ang ating mga jeepney driver,” aniya.
Sa kanyang patalastas para sa jeepney modernization program, iginiit ni Padilla ang kahalagahan ng environment-friendly na bagong jeepney – bagama’t dapat matiyak muna na hindi mawawalan ng kabuhayan ang mga jeepney driver.
“Dapat gawin muna po ng ahensya ng gobyerno ang pag-o-organize ng jeepney driver para sila magkaroon ng pagkakataon na makabili, na magkaroon nitong moderanized jeep. Dahil hanggang wala po talaga ang kooperatiba mananatiling pangarap itong tinatawag nating modernisasyon,” aniya.
Video: