
Ginagalang ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pananaw ang karapatan ng mga kumokontra sa prosesong pag-amyenda ng economic provision ng 1987 Constitution para maaaring pumasok ang Foreign Direct Investments.
Tiniyak ito ni Padilla nitong Huwebes matapos gumawa ng pagprotesta ang ilang grupo sa labas ng Royal Mandaya Hotel sa Davao City kung saan siya namuno sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
“I respect the views and rights of those who are against and protesting against this constitutional process,” aniya.
Tumugon si Padilla sa pangamba na ang pagpayag sa pagpasok ng foreign investments ay nangangahulugan na magpapaalipin ang Pilipino sa mga dayuhan.
“Kapag sinabi nating papayagan natin ng foreigners dito, di ibig sabihin magpapaalipin tayo uli. Di po ganoon, di yan kailan mangyayari pa na papayagan ng Pilipino lalo ng inyong lingkod at mambabatas sa Senado at Kamara. Hindi papayag yan na tayo maging muling alipin ng dayuhan. Pinaguusapan lang natin tayo magbukas ng ekonomiya at pinto upang pumasok capital at pera at ginagawa yan ng lahat ng bansa sa ngayon,” aniya.
Iginiit din ni Padilla na dapat kumbinsihin ang mga Pilipino na suportahan ang prosesong ito dahil makabubuti ito sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.
Dagdag niya, hindi pwedeng maging “lumot” ang Saligang Batas at sa halip ay dapat itong sumasabay sa takbo ng panahon.
“Mga kababayan, gumising na po kayo. Hindi na kayo dapat nagmamakaawa at nabubuhay sa utang sapagka’t ang Pilipinas ay mayaman at kailanman di tayo dapat mabuhay sa pagtitiis. Hindi tayo pinanganak di tayo nilikha ng Diyos para magtiis, tayo ay nilikha ng Diyos para sumaya,” aniya.