
Tinapos na ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Huwebes ang pagdinig sa mga panukala para amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas upang payagan ang pagpasok ng dagdag na foreign investment – at nakatakda niyang talakayin ang isyu sa myembro ng Kamara sa darating na linggo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Cebu City, nanindigan si Padilla na tungkulin niyang isulong ito kahit na may nangungutya sa kanya – dahil nais niyang bigyan ng maginhawang buhay ang mga Pilipino sa pamamagitan ng magandang ekonomiya.
“Kung gusto natin ng pagbabago, mayroon pong paraan. Kailangan lang po nating mamulat. Kailangan po nating magkaisa para iisa ang ating tatahaking daan tungo sa pag-unlad ng ating Inang Bayan,” aniya.
“Bilang inyo pong ihinalal ng taong bayan, kami po ay obligado na gawin ito kahit na marami po ang kumukutya sa amin, marami po ang gustong pumigil sa amin. Kailangan naming gawin ito para sa inyo,” dagdag niya.
Iginiit ni Padilla sa pagdinig na dapat amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon dahil sa kasalukuyan, ito ang isa sa pinaka-restrictive sa pagpasok ng Foreign Direct Investments (FDIs). Dahil dito, aniya, kulelat ang Pilipinas sa Asya.
Sa Lunes naman, lalahok si Padilla sa pagdinig kasama ang myembro ng Kamara, para pagusapan kung paano aamyendahan ang economic provisions – sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass) o constitutional convention (Con-Con). Ipinasa ng Kamara ang resolusyon na amyendahan ang economic provisions sa pamamagitan ng Con-Con.
Nguni’t iginiit ni Padilla na hindi siya papayag na makalusot ang ibang agenda sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution. Kanya ring iginiit na nais niyang gawin ang pag-amyenda sa pamamagitan ng Con-Ass dahil menos gastos at oras ito.
“Hindi kami papayag na magkalokohan dito,” aniya matapos magpahayag ng pangamba si Marlene Bedia, executive director ng Mandaue Chamber of Commerce and Industry, matapos niyang sabihing dapat mag-ingat sa pag-amyenda ng Konstitusyon dahil “we might lose control of all the other agenda”.
“Tatayo kami at maging bukal kaming magsasalita na lokohan ito. Gusto natin talaga magdulot ng ginhawa, pag-unlad at pagbabago,” dagdag ni Padilla.
Umaasa si Padilla na maka-file ng committee report sa lalong madaling panahon it idaan ito sa plebisito sa Oktubre, kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
“Yung benepisyo nito pag ito naratipikahan sa darating na barangay elections, mararamdaman natin agad ang epekto nito nang hindi madalian. Pangmatagalan ang maging epekto nito sa ating ekonomiya,” ani Padilla.