
Nagpadala ng tulong si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga naapektuhan ng trahedya sa Basilan kung saan nasunog ang barkong MV Lady Mary Joy 3.
Tumungo ang kapatid ng mambabatas na si Rommel sa Zamboanga kung saan dinala ang ilan sa mga nasugatan.
Kasama sa iniabot ng mambabatas, na tinulungan ng volunteers mula sa Zamboanga, ang tulong pinansyal sa ilang mga naapektuhan.
Nitong Biyernes, nagpahayag ng taospusong pakikiramay si Sen. Padilla sa mga mahal sa buhay ng mga nasawi at sa mga naapektuhan sa sunog sa MV Lady Mary Joy 3 sa karagatan na malapit sa Basilan.
Ikinalungkot niya na tila “sunud-sunod na ang nangyari sa trahedya sa karagatan ng Pilipinas. Hindi pa natugunan ang mga problemang dulot ng oil spill sa Mindoro.”
“Bukod sa pagsuspindi ng Passenger Ship Safety Certificate ng MV Lady Mary Joy 3, dapat lamang nating balikan ang puno’t dulo kung bakit talamak ang mga trahedya sa karagatan. Habang iniimbestigahan ang puno’t dulo ng trahedya, kasama ang pagsuri ng paglabag sa polisiya at proseso sa paglalayag, dapat na rin tayong maghanap ng paraan para mapalakas ang ating shipping industry, pang-cargo man o pampasahero. Naluluma na ang ating mga barko at marami rito ay secondhand na binili sa ibang bansa. Wala rin tayong tunay na kumpetisyon, dahil 40% ng ating ruta ay iisa lang ang operator,” iginiit ng senador.
“Huwag na nating hintayin na magising na naman tayo sa malagim na balita tungkol sa trahedya sa pagbibiyahe,” dagdag niya.




