Ukol sa Darating na Oil-Gas Exploration Talks ng Pilipinas at Tsina

Ikinalulugod kong malaman na muling matutuloy sa darating na Mayo ang talakayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina tungkol sa eksplorasyon ng langis at gaas sa Dagat Kanluran ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay naghain na rin ng Resolusyon Blg. 9 at isang pribilehiyong talumpati ang inyong lingkod para tawagan ng pansin ang ehekutibo upang nawa ay mabigyan ng pagkakataon ang pagbubukas ng talakayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina tungkol sa eksplorasyon ng langis at gaas sa Dagat Kanluran ng Pilipinas.

Bagamat hindi agad naging positibo ang naunang tugon ng kagawaran nang inusisa natin ito sa isang pagdinig, itinuturing nating magandang hakbangin ang huling balitang ito mula sa DFA.

Sa kabilang dako, muli nating nakikita ang mga limitasyon sa pagkakaroon ng mabuting kasunduan dahil sa kasalukuyang probisyon ng ating Saligang Batas. Isa pang balakid ang kapasyahan ng ating Korte Suprema nitong Enero na labag sa ating Saligang Batas ang Joint Marine Seismic Undertaking ng mga kumpanya ng Pilipinas, Vietnam at Tsina.

Ilang beses nang naging balakid ang limitasyon ng Saligang Batas sa pagsulong ng pag-uusap tungkol sa oil at gas exploration. Sa muling pagsulong ng usapan, nangangahulugan kaya ito na bukas ang ating DFA sa pag-amyenda sa ilang lumang probisyong pang-ekonomiya ng ating Saligang Batas, partikular sa Seksyon II, Artikulo XII na nagsasaad na: “Dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado ang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga likas na kayamanan.”

Matagal nang nararamdaman nating mga Pilipino ang epekto ng matinding pangangailangan sa langis: kawalan ng trabaho, kawalan ng sapat na kita para sa pamilya at pagtaas ng pamasahe at ng presyo ng bilihin at kuryente.

Dahil dito, umaasa ako na magiging matagumpay ang darating na usapan, at magkaroon ng solusyon ang Pilipinas at Tsina para wakasan ang pagdurusa ng mga pangkaraniwang Pilipino.