Robin sa DBM: Magtulungan Tayong Pagtibayin ang Budget at Pananalapi ng BARMM

Halos limang taon matapos ratipikahin ang Bangsamoro Organic Law, dapat nang pagtibayin ang sistema ng budget at pananalapi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para magtagumpay ito.

Iginiit ito nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nagharap ng mga tanong sa mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) nang tinalakay ng Senado sa plenaryo ang panukalang budget para sa 2023.

“Ang nais natin ay maging successful ang BOL at BARMM. Gusto lang nating maging malinaw kung papaano po masusunod lahat na pinagusapan sa batas na ito. At sana po hihingin din po natin sa DBM na sana po ay mapabilang po ang opisina natin na isali po nila sa pagre-report. Sapagka’t tayo po bilang Muslim na representante, tayo po ay very concerned sa kahihinatnan po ng BARMM,” ani Padilla, na isang Muslim.

“Kaya sana po tayo po ay mapabilang sa kanilang reporting at kung ano man ang mga gusto nilang maipanukala po nating batas para masuportahan po ang pagtagumpay ng BARMM, hinihingi po natin,” dagdag ng mambabatas.

Sa pagtanong kung may rekomendasyon na maaaring makatulong ang Kongreso upang mas mabigyang kapasidad ang Bangsamoro Government sa usapin ng mga polisiya sa pananalapi, ipinunto ni Padilla na napakahalagang mabigyang kapasidad ang BARMM sa usapin ng pananalapi.

“Higit sa ano pa man ay upang makapag-generate sila ng sarili nilang kita para tustusan ang mga iba pang mga development programs and projects nila para sa mga Moro. Partikular po dito ay ang pagbabalangkas ng Bangsamoro Transition Authority ng Revenue Code,” aniya.

Tinanong din ni Padilla kung may plano na sa pag-review ang Intergovernmental Board.

Ipinahayag din ni Padilla ang kanyang suporta sa pambansang budget at sa mga ahensya ng pamahalaan, bagama’t patuloy siyang magmamatyag at mag-aabang sa implementasyon ng mga magagandang programa sa budget, nguni’t iginiit niya na handa siyang maningil sa mga accomplishment ng mga ahensya sa pagdinig ng Senado sa pambansang budget sa 2023.

“Tayo din po ay maniningil sa mga accomplishments nila sa pagdinig ng Senado sa pambansang budget sa susunod na taon,” aniya.

Tiniyak ni Finance Committee Chairman Juan Edgardo Angara na isasali ang tanggapan ni Padilla sa sa karampatang updates at development sa pag-uusap sa BARMM. Nagpapasalamat din si Angara kay Padilla sa kanyang pagbantay sa implementasyon ng batas. “Kadalasan siya (Padilla) ang pinakauna, nauna sa chairman, nauna sa secretary ng Department. Definitely maganda ang kanyang pinakita,” ani Angara.

Samantala, si Senate President Juan Miguel Zubiri ay nagpasalamat din kay Padilla “na ang puso ay taga-Mindanao at puso niya sa ating kapatid na Muslim.”

“Talagang tinututukan po natin yan Ginoong Sen. Robinhood Padilla na ma-release palagi ang block grant para masagawa nila programa nila doon,” aniya.