
Ang constituent assembly para amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon upang payagan ang pagpasok ng karagdagang foreign direct investments ay mas tipid sa pondo at oras kumpara sa constitutional convention, ayon sa mga opisyal ng National Economic and Development Authority at ng Commission on Elections.
Ipinunto ni Reverie Pure Sapaen, director of governance staff ng NEDA, kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Baguio City na P46 million ang gagastusin sa Con-Ass kung masasabay ang plebisito nito sa Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Oktubre.
Dagdag ni Sapaen, kung ang plebiscite ay hindi hahabol sa BKSE election sa Oktubre, maaaring P13.9 bilyon ang gagastusin.
Pero kung sa constitutional convention, gagastos ang gobyerno ng P15 bilyon kung sabay sa BKSE election, at P28.5 bilyon kung hindi sabay.
Sa P15 bilyon para sa Con-Con, ipinunto niya na P805 milyon ang gagastusin sa allowances, emoluments, at accommodations ng Con-Con delegates.
“Sa inyong bilang sa Comelec mas makakatipid ba tayo kung sabay na?” tanong ni Padilla kay Catherine Isip, Acting Director III ng Comelec Finance Services Department. Sagot ni Isip, “Yes Sir, makakatipid tayo.”
Ani Julius Torres, Comelec regional election director for CAR, mas maraming proseso ang Con-Con – kasama ang pag-imprenta ng 68 milyong balota para sa Con-Con delegates, pag-train ng guro, at malaking information drive para sa balota sa barangay, SK, at Con-Con delegates. “Medyo mas maproseso ang Con-Con the way I see it,” aniya.
Sa kabilang dako, ipinunto ni Padilla na bagama’t magkaiba ang pananaw ng Senado at Kamara sa paraan ng pag-amyenda ng economic provisions ng Saligang Batas, pareho ang kanilang pananaw na kailangang baguhin ang economic provisions para pumasok ang foreign investments.
“Medyo dito sa dalawang bagay na ito naghihiwalay ang dalawa. Pero ang magandang balita po, parehas na gusto, nais na magkaroon ng amyenda sa Saligang Batas,” aniya.
Ayon naman kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, kailangang baguhin ang economic provisions ng Saligang Batas dahil luma na ang ilang probisyon nito.
“Malaki ang aking paniniwala kailangan natin baguhin certain provisions ng ating Constitution dahil napakaluma nito. Outdated na,” aniya.
Kasama sa mga probisyon na dapat ma-update ang pag-aari ng lupa ng dayuhan; pag-exploit ng natural resources; at pagmamay-ari ng public utilities.
“Siguro open na rin natin ang ating mata at mindset. It’s about time we invite foreign companies mamuhunan to invest in our country,” ani Magalong.
Ayon naman kay Ebb Hinchliffe, Executive Director ng AmCham Philippines, kailangan ng constitutional change para alisin ang ilang restrictions. Nang tinanong ni Padilla kung kailangang palitan ang economic provisions, tugon niya: “The short answer is yes.”
Dagdag ni dating Trade Secretary Ramon Lopez, kailangang alisin ang balakid para pumasok ang investments na magmo-modernize sa sektor ng bansa.