Robin, Iginiit ang Transparency at Accountability sa Paghawak ng Maharlika Fund

Transparency at accountability – kasama ang tiyak na kulong sa mga papalpak – ang dapat maging prayoridad sa paghawak ng Maharlika Investment Fund, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Martes.

Sa panayam sa ANC, iginiit ni Padilla na pagod na siya na makitang ang mga nasa likod ng kapalpakan ng paghawak ng pondo ng taumbayan ay hindi nakukulong kahit nabuking na sila sa imbestigasyon.

“Dito sa pagkakataong ito, No. 1 transparency. Alam ng tao kung saan pupunta ang pera. At sinong pumalpak dito, dapat makulong. Hindi ito pwedeng sorry lang kasi pera ng taumbayan ito,” aniya.

“Ako sawang sawa na ako na pag may dinadala sa Senate Blue Ribbon Committee, laging sorry, walang nakukulong, walang nag-resign,” dagdag niya.

“Kailangan may accountability and transparency. Kasi pera ng tao ito. Tandaan ninyo, DBP, LBP, pera ng tao ito. Hindi ito pera ninuman,” iginiit ng mambabatas.

Ipinunto rin ni Padilla na bagama’t ang Maharlika Fund ay aakit ng foreign direct investments (FDI), kailangan pa ring amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas para matiyak ang pagpasok ng ganitong kapital.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit tuloy ang kanyang pagsikap para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass), at iparatipika ito sa pamamagitan ng plebisitong isasabay sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.

Dagdag ni Padilla, umaasa pa rin siya na hindi “dead end” ang aabutin ng kanyang adbokasiya.

“Magiging dead end lang ito pag tinanggal nila ako as chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Pero hangga’t hindi ako tinatanggal tuloy tuloy ito… Malaki ang aking paniwala with the help of God Almighty naniniwala ako na naintindihan nila na kailangan na ng amendment sa economic provision lang,” aniya.

“Talagang evolving, ganoon po talaga ang Constitution. Ang Constitution kailangan buhay di yan patay. Ang Constitution na patay walang mangyayari sa bansa natin,” dagdag niya.