
Kumatawan sa Senado ng Pilipinas si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla bilang civilian host ng mataas na delegasyon ng Vietnam sa Rizal Park at sa Intramuros sa Maynila ngayong Huwebes ng umaga.
Sinamahan ni Padilla ang delegasyon sa pangunguna ni Vuong Dinh Hue, Chairman ng National Assembly ng Vietnam, sa wreath-laying ceremony sa Rizal Monument sa Rizal Park sa Maynila.
Nasa Pilipinas ang delegasyon para makipagpulong sa mga matataas na opisyal ng Pilipinas. Si Hue ang ikaapat na pinakamataas na opisyal sa Vietnam.
Pagkatapos ng wreath-laying ceremony, sinamahan ni Padilla ang mga miyembro ng delegasyon sa pagbisita sa Ho Chi Minh Monument sa ASEAN Garden sa Intramuros.
Kasama ni Padilla sa pagbisita sa Ho Chi Minh Monument ang opisyal ng Lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Ma. Sheilah “Honey” Lacuna.
Iginiit ni Padilla ang kanyang hangad na ang pagbisita ng delegasyon ay lalong mapapalago ang relasyon ng Pilipinas at Vietnam, na itinuturing ng Pilipinas bilang isang strategic partner sa Southeast Asia.
Nagpasalamat din si Padilla kay Gen. Roberto Ancan, ang pinuno ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA), sa pagtiyak ng seguridad ng mga dumalo sa dalawang aktibidad sa Maynila.






