Robin, Nakamit ang Pagtiyak ng Bagong Hepe ng LWUA para sa Tubig sa Marawi

Nakamit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules ang pagtiyak ng bagong hepe ng Local Water Utilities Administration (LWUA) para sa sapat na supply ng tubig sa Marawi City, higit limang taon matapos ito salakayin ng armadong grupo.

Sa pagdinig ng Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims Compensation, nakiusap si Padilla kay bagong LWUA administrator Vicente Homer Revil na huwag nang patagalin ang pagtiis ng mga naapektuhan ng 2017 Marawi Siege.

“Sana sa pamamagitan mo, kaibigan, mai-shoot na sana natin ang bola,” ani Padilla, na itinulad sa pag-dribble ng basketball ang kakulangan ng aksyon ng mga nakaraang opisyal ng LWUA.

Tugon ni Revil, ito ang kanyang “commitment” sa kumite. “As administrator I will put my passion, heart and soul for these projects to be implemented,” aniya.

Dagdag ni Revil, makikipagugnayan siya sa ibang ahensya para mapabilis ang pagbigay ng kontrata para sa patubig.

Samantala, nagpasalamat muli si Padilla sa Armed Forces of the Philippines sa paglaya sa Marawi, at sa pagtulong sa muling pagbangon nito.

Iginiit din niya na ang mga sumalakay sa Marawi noong 2017 ay hindi Islam kundi dayuhang ideolohiya.

“Kaya kami nagpapasalamat sa kasundaluhan at tinutulungan ninyo kami, kasama ang LWUA makabangon kami. Habang ako nabubuhay ako nagpapasalamat sa inyo,” aniya.