
“No surrender po talaga ito.”
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes sa gitna ng pahayag na maaaring kapusin siya sa suporta sa Senado para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Sa panayam sa Senate media, dagdag pa ni Padilla na hindi siya pinipigilan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipatupad ang kanyang mandato bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
“Katunayan ang instruction po ni Senate President, tuloy-tuloy lang ako… Sa akin po ay tuloy-tuloy lang ako. Hindi ko po nakikita na parang ako pinipigilan niya,” aniya.
Nagbigay din si Padilla ng katiyakan sa kapwa senador na ang kanyang tinututukan ay ang pag-amyenda ng pitong economic provisions sa Saligang Batas, sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass), at hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara.
Itinanggi rin ni Padilla ang suhestiyon na makipagusap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu, dahil ayaw niyang maisip ng taumbayan na nagpapailalim ang Kongreso sa Ehekutibo.
“Mas magandang maisulat sa kasaysayan di ako lumapit kanino man nilapit ko sa taumbayan, tinanggihan man ng Senado natalo ako pero alam ng tao pinanindigan ko position ko. Di importante ang nanalo ako pero nag-bow ako, no way,” aniya.
Samantala, balak ni Padilla ituloy ang pagdinig sa constitutional amendments sa Cebu ngayong linggo.
Dagdag niya, nais niyang ma-file ang committee report at maipresenta ito sa plenaryo sa Mayo para pagusapan sa Hunyo o Hulyo, at matapos sa Agosto para magkaroon ng plebisito na sasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre.