
Mahalaga ang tamang paggamit ng confidential at intelligence funds para labanan ang karahasang dulot ng mga grupong terorista, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Lunes.
Ayon kay Padilla, ito ang dahilan kung bakit suportado niya ang resolusyon sa Senado na magkaroon ng oversight committee ang Senado para sa ganitong pondo.
“Kaya nagpapasalamat po ako sa ating kapulungan at inyo po itong sinusulong at magkakaroon tayo ng oversight committee dito. At ako po ay sinusundan ko lahat na sinasabi ng ating Ginoong Pangulo at Pinunong Mayorya at ito po ay tagumpay ng Inang Bayang Pilipinas,” aniya.
“Itong intelligence at confidential fund na ito ay nakatulong po para linisin ang mga liblib na lugar ng mga terorista, ang mga tinatawag nating nananakot, nangingikil, nandiyan po lahat yan,” dagdag niya.
Sang-ayon din si Padilla kay Sen. Ronald dela Rosa na hangga’t may kaguluhan sa loob ng bansa, kailangang tapusin ang kaguluhan para tayo ay umasenso.
Dagdag ni Padilla, bagama’t hindi siya tutol sa “makakaliwa” at “rebolusyonaryo,” tutol siya sa karahasan.
“Tigilan na natin ang karahasan. Pwede naman po tayong lahat maging rebolusyonaryo, tunay na rebolusyonaryo pero walang karahasan. Huwag tayo maging paatras kundi maging paabante po tayo,” diin niya.