SRP Co-sponsorship Proposed Senate Resolution No. 458 by Senator Migz Zubiri (Taking into consideration Senate Resolution Nos. 23, 248, 269, 273, 276, 281, and 292)

Maraming salamat po mahal na Ginoong Pangulo, at sa punong mayorya, sa mga minamahal nating mga kasamahan at mga panauhin sa bulwagang ito: isang magandang araw po ng Lunes sa ating lahat.

Sa akin po ang karangalan na makibahagi sa pagbibigay-pugay sa maituturing na “world icon” at tunay ngang “Golden Boy” sa larangan ng gymnastics. Taas-noong pagkilala at pasasalamat po sa pagdalo ng ating bayani ngayon, G. Carlos Edriel Yulo.

Sa dami at haba po ng listahan ng nasungkit na medalya ni G. Yulo, hindi po siguro ako nag-iisa. Kasama ko po ang mga naunang senador na hiningal sa aming resistasyon.

Ginoong Pangulo, gusto ko lamang pong ipahayag na si G. Carlos Yulo po, siya po ang halimbawa ng isang atletang Pilipino na hindi kailangang matangkad, hindi kailangang dayuhan, hindi kailangang isang atleta na tinatawag nating sumasali sa mga paligsahan na kailangan ay medyo ikaw ay pang-dayuhan. Siya po ay sukat na sukat. Tingnan natin siya ay Pilipinong Pilipino. At siya ay nakakuha ng medalya at nagbigay ng karangalan sa atin. At ito po sana ay maghikayat sa ating kababayan na kaparehas niya na magkaroon ng lakas ng loob na magsanay at hindi nila kailangang isipin sila ay kailangang maging matangkad o mag-training sa ibang bansa kundi kanilang pagyamanin ang kanilang talento, kanilang galing bilang mga Pilipino.

At makikita po natin mahal na ginoong Pangulo ang kanyang height. Hindi height na masasabi natin na inaakala nating magbibigay ng karangalan sa ating bayan kundi yan po ang sukat ng ating mga kababayang Pilipino. At ito po ay kapatunayan lamang na tayo, ang ating lahi, kahit na ang ating sukat ay hindi kataasan, tayo ay maghahari sa usapin ng paligsahan.

Maraming salamat po, Ginoong Pangulo. Mabuhay.

Video: