SRP manifestation on SB 1850, CR 24

Ako po ay tumitindig sa pulpit. Ako ay nagpupugay unang una sa tinatawag ko pong ina ng Senado, SCV sapagka’t alam nyo po, sa loob ng 7 buwan ko dito sa Senado at ako po ay nagiging panauhin ng ating mahal na senadora sa kanyang mga pagdinig sa kumite ng agrikultura, doon ko po nakita ang tunay na pagmamalasakit ng senadora sa ating mga magsasaka. At katunayan po ay tuwing pinanonood ko po siya. lagi kong sinasabi na sana habang buhay na kayo sa Senado.

Alam nyo po, mga mahal kong kababayan, ito pong napakagandang panukalang ito na SB 1850, CR 24, ang New Agrarian Emancipation Act, napakaganda po noon pakinggan, alam nyo po katunayan ito na po siguro ang pinakamagandang panukalang narinig ko dito sa Senado sa loob ng aking 7 buwan sapagka’t ito po ay may kinalaman sa ating magsasaka. Bilang ako po ay taga-Bicol at taga-Nueva Ecija at ang aking mga ninuno galing sa Pangasinan huwag nyo na tanungin ang dami naming pinagmulan sapagka’t napakarami pong Padilla dahil sa maraming dahilan.

Alam nyo po, ang atin pong magsasaka tunay ang sinabi ni SJV at Sen Bato dela Rosa na kung may hirap na hirap na sa panahong ito ay yan pong ating mga magsasaka. Katunayan ang karamihan po diyan ay ayaw nang turuan ang kanilang mga anak na magsaka dahil ano bang makikitaan nila, e walang future silang nakikita o kinabukasan.

Itong panukalang ito, narinig ko na po ang magandang talumpati. Ang pakiusap ko lamang po mahal na ginoong pangulo sa ating mga kasama dito sa Senado, sana po ay maging kasing bilis ito na ang tinatawag nating SIM Card Registration. Sana po ganoon kabilis ang pagpapatupad nito para maging batas. Sapagka’t ito po ay talagang mararamdaman po ito ng ating magsasaka. Sa wakas meron pong maramdaman ang ating magsasaka.

Kaya mahal na ginoong pangulo, inuulit ko po ang aking buong pusong pasasalamat; kasama po ang magsasaka, kami ay nagpapasalamat sa ating mahal na ina na SCV sa panukala pong ito. At muli po hinihiling ko sa aking mga kasama dito sa Senado na ito po ay maipasa kaagad at maging batas. Maraming salamat po.

Video: